Tuesday, June 5, 2012

Bumalik ka para sa Pilipinas mo!

'Di naman ako hilaw para masabihang tisay, kaya dinadadaan na lang sa pagi-Ingles na mahapay. Tamang oras lamang siguro para sa 'king pananagalog, na dala ng init at pawis na dulot ng Pilipinas kong irog. (Kow, maka-rhyme lang e.) 

Patricia Evangelista. Kakaunti lamang siguro ang nakakikila sa kanya. Kung 'di pa siguro ako nanawa sa kababasa ng makakapal na pocket books, hindi ko marahil masasaging basahin ang berdeng booklet na iyon. Sa bandang likod ko nakita ang speech ni Patricia. "Borderless World" ang wika ng pamagat. Nawari ko naman agad ang laman. Tamang pang-ubos ng oras sa mainit na bakasyong iyon...

Halos tumulo ang luha ko sa aking nabasa, Hindi ako malungkot. Hindi. Hindi nya ito kwento ng tragic love story. Hindi ito pilit na kwento ng taong nagbabalik-loob. Mas mabuti sigurong ikaw na lamang ang magbasa. Kaysa umasa sa kwento kong malabo pa sa pag-asa kong maging mestiza tulad nya. Pwede rin sa Youtube, para sa recorded video.  

Muli kong nabasa  kangi-kangina lamang ang speech ni Patricia na gumising sa diwa kong lito na sa buhol-buhol na sistema ng Pilipinas. Tama nga naman sya. Tamang ang mundo ay isang malaking pabrika ng mga Pilipinong kumakapit sa oportunidad na makapangibang-bansa. At kumita ng perang mahirap hanapin sa sariling lupa. Maling sabihin na mali sila. 'Di nga ba't sila ang mga "Bagong Bayani" ng bansa? Hayan, napaisip tuloy ako kung bakit nga ba sila tinawag na bayani gayong hindi naman panahon ng digmaan at lalong hindi sila kabilang sa katipunan. Ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ay nakapagreremit pala ng bilyun-bilyong dolyares na nakatutulong sa ekonomiya ng bansa.

 Tama bang ito lang? Hindi, hindi sapat na iyan lamang ang banggitin ko. Sapagkat isa ako sa mga naiiwan ng milyun-milyong Pilipinong lumilisan para sa mahusay na trabaho sa kabilang panig ng mundo. Alam ko ang     pakiramdam ng mangulila sa isang amang nagsasakripisyo ng kanyang panahon upang malayo sa kanyang mga magulang na lingid sa kanya ay tumatanda na sa paghihintay sa kanyang pagbabalik, sa kanyang asawang nangugulila na sa mainit nyang yakap sa gabi, sa kanyang mga anak nasa kahit sandaling panahon ay 'di man lamang nasanay sa matigas nyang tinig at mapag-arugang mga bisig.

Hindi maling umalis. Hindi maling maghangad ng mas maayos na pamumuhay para sa pamilya. Tama naman si Cherry Pie sa sinabi nyang "Bakit? kung may maayos bang trabaho dito, aalis pa ako?" 

Ang mahalaga ay ang bumalik sa bansang humele sa iyong kabataan. Ang lupang dumilig sa iyong tigang na kaalaman at nagtulak sa iyong patuloy na hubugin ang iyong uhaw na isipan.

Kaya nga saludo po ako sa inyo. Sa inyong lahat na lumalabas ng bansa, ngunit muling nagbabalik upang magbahagi ng tagumpay sa kanyang mga kababayan.

Salamat Patricia at ginising mo ako. Maaaring habang buhay akong maghintay sa maraming pang babalik, o kaya nama'y maging isa sa marami pang aalis.

Ngunit itaga mo sa bato, bukas o paglipas pa ng mga taon, babalik ako.  


No comments:

Post a Comment